Nasawi ang isang tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA matapos mauwi sa bakbakan ang isang buy-bust operation laban sa isang high-value target sa Barangay Paniongan, Bongao, Tawi-Tawi, madaling araw kahapon Agosto 9.
Batay sa paunang ulat, isinagawa dakong alas-1:30 ng madaling araw ang operasyon ng PDEA Tawi-Tawi Provincial Office, katuwang ang Marine Battalion Landing Team-4.
Target ng operasyon si Jimhar Jawadil, alyas Boss M, na inilarawang dating sumukong miyembro ng Abu Sayyaf Group at itinuturing na high-value target.
Nasawi sa operasyon si Jawadil, habang nakumpiska ang tinatayang 50 gramo ng hinihinalang shabu na umano’y object of sale, at karagdagang 220 gramo ng hinihinalang shabu na nakumpiska bilang possession.
Umaabot naman sa isang milyon at 836 libong piso ang standard value ng kabuuang nakumpiskang droga.
Bukod sa hinihinalang shabu, narekober din ang ilang armas at bala, kabilang ang isang KG-9 submachine gun na may 19 na bala, isang M1 Garand na may 221 bala, at apat na .45 caliber na baril na may kabuuang 19 na bala.
Nasamsam din ang apat na Android cellphone, isang identification card at iba pang kagamitan.
Samantala, dakong alas-6 ng umaga, nakatanggap ang Bongao Municipal Police Station ng impormasyon hinggil sa naganap na bakbakan sa Mapanbubu, Barangay Paniongan.
Ayon sa Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region, sangkot sa bakbakan ang mga tauhan ng PDEA at Philippine Marines.
Kinilala sa paunang ulat ang nasawing PDEA personnel na si Intelligence Officer I Enfernie Jim Dayag, 29-anyos, na sinasabing nagmula sa CAR Region.
Tatlong tauhan naman ng Philippine Marines ang iniulat na nasugatan sa insidente.
Gayunman, patuloy pang bineberipika ng mga awtoridad ang eksaktong pangyayari sa bakbakan at ang kabuuang bilang ng mga nasugatan.
Patuloy ang beripikasyon ng Bongao MPS habang hinihintay ang opisyal na ulat mula sa mga sangkot na unit upang makumpirma ang iba pang detalye ng insidente.
Bukod kay Jawadil, kabilang din sa mga tinukoy na target personality sina alyas Anton,Nas, at Abs, na nananatiling at large, kasama ang dalawang hindi pa nakikilalang indibidwal.
Inihahanda naman ng mga awtoridad ang kaukulang kaso kaugnay sa pagkakasamsam ng hinihinalang shabu, alinsunod sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kaugnay nito, nagpaabot ng pakikiramay ang PDEA BARMM at PDEA Mountain Province sa pagkasawi ni Dayag, habang binigyang-pugay ang kanyang tapang, dedikasyon at sakripisyo sa pagtupad sa tungkulin at paglaban kontra ilegal na droga.
Ayon sa mga tanggapan ng PDEA, hindi malilimutan ang kanyang serbisyo at ambag sa bayan bilang isang lingkod-bayan na nag-alay ng buhay sa pagtupad sa kanyang sinumpaang tungkulin.
Sinabi ng PDEA Mountain Province na hindi malilimutan ang kanyang sakripisyo at paglilingkod sa bayan.

















