Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Police Regional Office–Davao Region (PRO-11) kaugnay sa pagkamatay ng isang opisyal ng Philippine National Police na natagpuang wala nang buhay sa loob ng kanyang quarters sa Davao City.

Batay sa paunang ulat ng pulisya, natagpuan ang opisyal na wala nang buhay sa loob ng kanyang quarters ilang oras bago ang pagdating sa Davao City ng PNP Chief na si Police General Jose Melencio Nartatez Jr. para sa isang nakatakdang command visit.

Kasunod ng insidente, nagtungo si PGen. Nartatez sa headquarters ng PRO-Davao sa Camp Sgt. Quintin M. Merecido sa Barangay Buhangin upang alamin ang sitwasyon at masubaybayan ang isinasagawang imbestigasyon.

Iniutos ng pamunuan ng PNP ang masinsinan at masusing pagsisiyasat upang matukoy ang sanhi at mga pangyayari na nagresulta sa pagkamatay ng opisyal.

Sa ngayon, hindi pa naglalabas ng karagdagang detalye ang PRO-11 habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.