Himalang nakaligtas sa pananambang ang isang pulis kasama ang pamilya nito, ngayong magdadapit-hapon ng bisperas ng bagong taon sa Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat Maguindanao del Norte.

Kinilala ang nakaligtas sa pananambang na si Police Cpl. Tohamy Musa, taga Mother Tamontaka sa Cotabato City at nakadestino sa isla ng Tawi-Tawi.

Base sa paunang imbestigasyon ng kapulisan, binabagtas ni Musa gamit ang kanyang hilux pickup truck na may plakang 8004 ang daan ng nasabing barangay ng dikitan ito ng mga suspek na nakamotorsiklo at tinadtad ang sasakyan nito ng tama ng bala.

Nakalabas pa ang biktima sa sinasakyan nitong pick-up at binalikan nito ang mga suspek sanhi upang tumalilis ang mga ito ng takbo sa di mabatid na direksyon.

Samantala, nasugatan at nadamay ang isang bata na taga Barangay Labungan na biktima ng ligaw na bala sa naganap na pananambang.

Parehas nang dinala sa bahay pagamutan ang dalawang biktima partikular na ang pulis na tinamaan ng bala sa paa at may daplis sa dibdib.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng magkatuwang na kapulisan at militar sa motibo ng krimen at tinutunton na nito kung saan nagtago ang mga suspek na hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nababatid ang pagkakakilanlan.