Iminungkahi ng Department of the Interior and Local Government o DILG ang posibilidad ng tuluyang pagbabawal sa mga online video game na naglalaman ng matinding karahasan bilang hakbang para maprotektahan ang mga kabataang Pilipino.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, nararapat nang pag-aralan ng Kongreso at ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang panukalang total ban sa mga violent online games, kasunod ng insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.
Lumabas sa mga paunang ulat na isa sa mga suspek sa naturang insidente ay umano’y madalas maglaro ng online game na “GoreBox”.
Batay sa pahayag ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center o CICC, ang GoreBox ay isang video game na nagbibigay-daan sa mga manlalaro na gumamit ng iba’t ibang uri ng armas at lumikha ng mga senaryong may matinding karahasan.
Binigyang-diin ni Remulla na dapat pag-aralan ang posibleng epekto ng paulit-ulit na pagkakalantad ng kabataan sa marahas na digital content, lalo na sa kanilang pag-iisip at pag-uugali.
Gayunman, nananatiling pinagdedebatehan ng mga eksperto ang direktang ugnayan ng violent video games at aktuwal na marahas na kilos, dahil iginiit nilang maraming iba pang salik ang maaaring makaimpluwensya sa asal at pag-uugali ng isang tao.

















