Ipagpapatuloy sa Lunes, Hunyo 22, ang pre-trial conference para sa impeachment case ni Sara Duterte matapos hindi pa makumpleto ang pagsusuri at pagmarka ng mga ebidensya ng magkabilang panig.
Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng defense panel ng Bise Presidente, kasalukuyan pa lamang natatapos ang pagmamarka sa mga ebidensya para sa isang artikulo ng impeachment, habang may tatlo pang natitirang bahagi na kailangan pang talakayin bago tuluyang maumpisahan ang paglilitis.
Ang Article III ay tumatalakay sa mga alegasyon ng bribery, graft and corruption, paglabag sa Konstitusyon, at betrayal of public trust laban kay VP Sara.
Sinabi ni Poa na posibleng matapos sa Lunes ang pre-trial, ngunit handa rin ang depensa na bumalik sa Martes kung kinakailangan, dahil sa dami ng mga dokumentong dapat suriin.
Sa kabila nito, kumpiyansa ang kampo ng depensa na maaari pa ring masunod ang target na petsa ng pagsisimula ng impeachment trial sa Hulyo 6.
Nagkasundo na rin umano ang depensa at prosekusyon sa listahan ng mga testigo, na tinatayang aabot sa 25 hanggang 30 witnesses, kabilang ang ilang reserve witnesses.
Nilinaw din ng depensa na normal lamang ang mga diskusyon at argumento sa pagitan ng dalawang panig sa pre-trial, at wala umanong personal na alitan sa pagitan nila.

















