Patay ang isang pulis matapos barilin umano ng kanyang sariling biyenang babae sa Barangay Poblacion, President Quirino, Sultan Kudarat, bandang alas-10 ng gabi nitong Miyerkules.
Kinilala ng President Quirino Municipal Police Station ang biktima sa alyas na “Boy,” 37 taong gulang, may asawa, at nakatalaga bilang Police Staff Sergeant sa naturang himpilan. Residente rin siya ng nasabing barangay.
Ayon sa paunang imbestigasyon, nauwi sa mainitang pagtatalo ang pag-uusap ng pulis at ng kanyang asawa. Sa gitna ng tensyon, nagkaroon umano ng agawan ng baril. Nakuha ng misis ang baril at iniabot ito sa kanyang ina, na noon ay nasa kanilang bahay.
Habang papalabas umano ng bahay at tumutungo sa garahe ang biktima, sinundan siya ng kanyang asawa at biyenan. Dito na naganap ang pamamaril.
Tinamaan si Boy sa tiyan at tumagos ang bala sa kanyang likod. Agad siyang isinugod sa ospital ngunit idineklara ring dead on arrival.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang biyenan ng biktima na siyang itinuturong suspek, habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
Nagpahayag naman ng labis na dalamhati ang buong hanay ng President Quirino PNP sa pagkamatay ng kanilang kasamahan, na kilala umano bilang isang masipag, maaasahan, at pinarangalang alagad ng batas.