Pormal nang sinimulan ang Phase 2 ng Road Concreting Project at konstruksyon ng warehouse na may solar dryer sa Brgy. Tuayan at Brgy. Talibadok sa isinagawang groundbreaking ceremony noong Pebrero 24, 2026.

Pinangunahan ang aktibidad ng Lokal na Pamahalaan ng Datu Hoffer katuwang ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), sa ilalim ng PAMANA Program ng pamahalaan.

Suportado ang proyekto ng 601st Infantry Brigade sa pamumuno ni Brig. Gen. Edgar L. Catu at ng 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion sa pamumuno ni Lt. Col. Loqui O. Marco. Nagbigay ang kasundaluhan ng seguridad at tumulong sa maayos na daloy ng programa bilang bahagi ng Camp Transformation Program sa dating kampo ng MILF sa Camp Omar.

Dumalo rin sa aktibidad sina Bise Alkalde Bai Bongbong M. Ampatuan, Joecarno S. Gandawali na Camp Coordinator ng JTFCT, Abdul Moen Ampatuan na Pangulo ng Liga ng mga Barangay, Bryan O. Arevalo na Deputy Head ng OPAPRU-SDU, at Duma Upam na Barangay Chairman ng Talibadok.

Ayon kay Bise Alkalde Ampatuan, layunin ng proyekto na mapabuti ang imprastraktura at mapalakas ang kabuhayan ng mga residente bilang bahagi ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa Bangsamoro region.

Sa mensahe ni Brig. Gen. Catu, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng pamahalaan at komunidad upang mapanatili ang kapayapaan at maisulong ang pag-unlad sa Central Mindanao.

Samantala, tiniyak ni Major Gen. Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division, ang patuloy na pagbibigay ng seguridad upang masiguro ang maayos na implementasyon ng mga proyektong pangkapayapaan at pangkaunlaran sa buong BARMM.