Tila eksena sa pelikula ang tumambad sa publiko matapos mag-viral ang isang video ng isang lalaking nabundol hindi lang isa kundi dalawang beses sa kahabaan ng National Highway sa Kidapawan City dakong ala-1:00 ng madaling araw nitong linggo.
Kinilala ang biktima na si Froilan Panagaan, na una nang nabangga ng isang sasakyan at agad na nirespondehan ng Kidapawan Rescue 911. Ngunit habang inililipat na ito sa stretcher, biglang sumulpot ang isang mabilis na motorsiklo at muling nabangga si Panagaan sa mismong harapan ng mga rescuer.
Makikita at maririnig sa video ang sigawan ng mga nakasaksi sa kagimbal-gimbal na tagpo. Bukod kay Panagaan, nadamay at nasugatan rin ang isa sa mga kawani ng Rescue 911 na tinamaan ng naturang motorsiklo.
Ayon sa paunang imbestigasyon, pinaniniwalaang lango sa alak ang driver ng motorsiklo na agad namang naaresto ng mga awtoridad.
Patuloy ang imbestigasyon ng Kidapawan City Police Office kaugnay sa insidente.