Trahedya ang sinapit ng isang inuman sa Canelar Moret, Barangay Canelar nitong gabi ng Mayo 20 matapos mauwi sa pamamaril na ikinasawi ng isang lalaki at ikinasugat ng isa pa.

Dead on arrival sa ospital si 26-anyos na si Onlee Ladjaanang, habang sugatan at nagpapagaling naman si Kamaruddin, 25-anyos. Kapwa residente ng Isabela City, Basilan ang mga biktima ngunit pansamantalang naninirahan sa Barangay Santa Maria.

Arestado naman ang suspek na kinilalang si Kent, 25-anyos, na kasalukuyang nasa hospital arrest matapos masugatan sa ulo. Ayon sa pulisya, napukpok umano siya ng boteng bubog ng kasama ng mga biktima upang mapigilan ang pamamaril.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Zamboanga City Police Station 11, nagsimula ang insidente sa mainit na argumento habang nag-iinuman sa isang videoke house sa lugar. Sa gitna ng alitan, umano’y bumunot ng kalibre .45 na baril ang suspek at pinaputukan ang dalawang biktima.

Tumagos umano ang bala mula sa kilikili ni Ladjaanang hanggang sa baywang ng isa pang biktima.

Narekober naman ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang ginamit na baril sa ilalim ng driver’s seat ng sasakyan ng suspek na isang Toyota Avanza.