Sugatan ang isang driver habang nasawi naman ang kaniyang kasama matapos silang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga armado sa Barangay Raguisi, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte nitong Miyerkules, Mayo 20, 2026.

Kinilala ng mga awtoridad ang sugatang biktima na si Muhammad Masulot Samama, 34-anyos at residente ng Doña Blanco, Supermarket, Cotabato City. Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan ng lalaking nasawi na hinihinalang pahinante ng driver.

Sa isinagawang paunang imbestigasyon ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, lumabas na sakay umano ng isang asul na Isuzu wing van na may plakang CBN 4728 ang mga biktima nang pagbabarilin sila ng mga suspek gamit ang hinihinalang maikling baril dakong ala-1:05 ng hapon.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang mga biktima at agad isinugod sa Cotabato Sanitarium and General Hospital. Gayunman, idineklarang dead on arrival ang isa sa kanila habang patuloy na nilalapatan ng lunas ang driver.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang mga salarin sakay ng motorsiklo patungo sa hindi pa matukoy na direksyon.

Patuloy naman ang hot pursuit operation at masusing imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ang motibo sa pamamaril. Hinihintay na rin ang resulta ng isinagawang SOCO processing sa lugar ng insidente.