Timbog ang isang hinihinalang kilalang tulak ng ilegal na droga matapos ang isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) noong Mayo 20, 2026 sa Purok Old Bario, Barangay Sta. Rosa, Murcia.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Nonong,” 50 taong gulang, walang trabaho, at residente ng Purok Kagaykay, Barangay 2, Bacolod City. Itinuturing umano itong High Value Target (HVT) ng mga awtoridad.
Ayon sa ulat, isinagawa ang operasyon bandang alas-5:20 ng hapon sa pangunguna ng PDEA Regional Office–Negros Island Region Regional Special Enforcement Team (RSET), katuwang ang PDEA RO-NIR SIU/AIU Negros Occidental, Murcia Municipal Police Station, at Coast Guard Intelligence Unit–Northern Negros Occidental.
Nakumpiska mula sa suspek ang 15 heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng tinatayang 63 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug value na humigit-kumulang P428,400.
Narekober din ng mga operatiba ang buy-bust money, isang itim na sling bag, isang Android cellphone, isang pulang Suzuki Multicab, at P12,000 cash na pinaniniwalaang mula sa ilegal na bentahan ng droga.
Kasalukuyang inihahanda ang kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek.

















