Nauwi sa armadong engkuwentro ang isinagawang operasyon ng mga operatiba ng CIDG Cotabato Criminal Field Unit (CFU) matapos magsilbi ng warrant of arrest laban sa isang most wanted person sa Brgy. Piers, Buldon, Maguindanao del Norte noong Mayo 18, 2026.
Kinilala ang pangunahing suspek na kabilang sa E-Warrant System bilang Rank No. 2 Municipal Level Most Wanted Person ng Buldon Municipal Police Station (MPS). Ang suspek ay kilala rin sa mga alyas na “Odun” at “Bibitog Mahid.”
Pinangunahan ng CIDG Cotabato CFU, sa ilalim ng pamumuno ni PLTCOL Eugene A. Balugo, Deputy Regional Chief, ang operasyon kasama ang CIDG RSOT, CIDG Maguindanao PFU, RIU 15-CIT Cot, MBLT2, RMFB 14-A, at sa pakikipag-ugnayan sa Buldon MPS.
Ayon sa ulat, nagsisilbi ng warrant of arrest ang mga awtoridad laban sa suspek at dalawa pang kasamahan nito na kasalukuyang pinaghahanap din ng batas nang mauwi ito sa palitan ng putok. Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong Arson sa ilalim ng Criminal Case Number 2025-16522 na inilabas ni Hon. Ysnaira Ibrahim, Presiding Judge ng RTC, 12th Judicial Region, Branch 13, Cotabato City noong Hulyo 29, 2025, na may rekomendasyong “No Bail.”
Sa isinagawang operasyon, nakumpiska rin ng mga awtoridad ang ilang matataas na kalibre ng baril at mga bala.
Pinuri naman ni PLTCOL Niño Lope M. Briones, Acting Regional Chief, ang lahat ng operatibang kalahok sa operasyon dahil sa ipinakitang dedikasyon, propesyonalismo, at matagumpay na pagsasakatuparan ng misyon.
Ayon pa sa CIDG, patuloy nitong paiigtingin ang kampanya laban sa mga wanted person at ilegal na pag-iingat ng mga armas at bala upang matiyak ang pagpapatupad ng batas at kapayapaan sa komunidad.

















