Pinawi ng lokal na pamahalaan ng Kadayangan katuwang ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pangamba ng mga residente sa Sitio Campo, Barangay Sambulawan, Kadayangan, SGA BARMM matapos magsagawa ng dayalogo kaugnay ng sitwasyon ng seguridad sa lugar.

Pinangunahan ang pulong ni Mayor Duma M. Mascud sa pamamagitan ng kinatawan nitong si Municipal Administrator Jan Pared G. Mascud, Ph.D., JD, kasama ang mga kinatawan ng AFP sa pangunguna ni 2LT Alvin S. Allas, at mga residente ng komunidad.

Tinalakay sa naturang dayalogo ang mga ulat ng umano’y presensya ng armadong grupo sa lugar, na naging sanhi ng paglikas ng ilang pamilya at pagkawala ng ilang alagang hayop, kabilang ang mga ulat ng nawawalang baka sa nakalipas na mga araw.

Bilang tugon, iminungkahi ng LGU ang pagpapatupad ng curfew upang mas maayos na makontrol ang galaw sa komunidad at maiwasan ang anumang kahina-hinalang aktibidad. Binigyang-diin din ang kahalagahan ng mas mahigpit na koordinasyon sa pagitan ng mga residente at awtoridad, gayundin ang paglalagay ng mga sundalo sa mga pangunahing access points upang mapalakas ang seguridad.

Hinimok ng mga opisyal ng LGU at AFP ang mga residente na unti-unting makabalik sa kanilang mga tahanan kasunod ng pag-deploy ng mga tropa sa mga pangunahing daanan sa lugar.

Nanawagan din ang mga ito sa publiko na manatiling mapagmatyag at agad na iulat sa PNP o AFP ang anumang kahina-hinalang galaw o insidente upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad na binubuo ng humigit-kumulang 210 kabahayan.