Upang higit na mapalakas ang serbisyong pangkabataan sa buong rehiyon ngayong 2026, nagpatawag ang Bangsamoro Youth Commission (BYC) sa pamamagitan ng opisina ni BYC Chairperson Nasserudin Dunding ng miting para sa lahat ng kawani nito sa lungsod ng Cotabato.

Layunin ng pulong na talakayin ang mga pinal na plano at ang implementasyon ng mga aprubadong programa sa taong ito, gayundin kung paano mas mailalapit at maibibigay ang mga ito sa mga kabataang Bangsamoro upang lalo pang mahubog ang kanilang potensyal at kakayahan.

Ayon kay Dunding, tiniyak niya na ang lahat ng mga nakaiskedyul na programa ay agarang naipapatupad at hindi naaantala. Mahigpit din na minomonitor ang bawat hakbang upang masiguro ang maayos at istratehikong implementasyon ng mga proyekto ng komisyon.

Kasama sa miting si BYC Commissioner Pratima Samsaraji at ang iba pang empleyado at opisyal ng komisyon.

Binigyang-diin din sa pulong na ang puso at sentro ng lahat ng gawain ng BYC ay ang Kabataang Bangsamoro, at pinaplano rin ang mas pinalawak na pakikipagtulungan sa iba pang ahensya sa rehiyon upang makalikom ng mas maraming suporta para sa mga kabataan.