Patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad ang isang preso na nakatakas mula sa South Cotabato Rehabilitation and Detention Center (Provincial Jail) noong Sabado, Setyembre 13, 2025.

Kinilala ang pugante na si Jayrald P. Plana, 38-anyos, residente ng Purok Reyes, Barangay El Nonok, Banga, South Cotabato. Naaresto siya nitong Hunyo 2025 dahil sa kasong murder.

Ayon kay Governor Reynaldo S. Tamayo Jr., sisibakin sa serbisyo ang mga job order (JO) jail guard na naka-duty nang maganap ang pagtakas. Dagdag pa ng gobernador, ililipat sa ibang bayan o malalayong lugar ang mga regular jail guard upang maiwasan ang posibleng sabwatan sa pagitan ng mga tauhan at mga bilanggo.

Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na iniwang bukas ang padlock ng selda, at may posibilidad na may nag-abot pa ng susi kay Plana—isang bagay na tinawag ni Tamayo na “hindi katanggap-tanggap.”

Samantala, tiniyak ng pamahalaang panlalawigan na mas pinaigting na ang seguridad sa kulungan habang nagpapatuloy ang malawakang manhunt para sa nasabing pugante.