Arestado ng mga awtoridad ang dalawang babae sa Brgy. Poblacion, Talayan, Maguindanao del Sur bandang alas-11:00 ng umaga kahapon, April 16, 2026, dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Kinilala ang mga suspek na sina alyas Samsiah, 34-anyos, residente ng Brgy. Mompong, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, at alyas Bai Ja, 43-anyos, residente naman ng Brgy. RH 13, Cotabato City.

Batay sa ulat ng Talayan Municipal Police Station, nakatanggap ang mga awtoridad ng impormasyon hinggil sa isang kahina-hinalang sasakyan na umano’y may kargang ilegal na armas.

Agad na rumesponde ang mga operatiba at nagsagawa ng checkpoint operation kung saan pinara ang isang puting Morris Garage (MG) SUV. Sa paunang imbestigasyon, lumabas na ang mga sakay ng sasakyan ay inutusan lamang na magpa-refuel, ngunit kalaunan ay nadiskubre ang presensya ng mga baril sa loob nito na umano’y pag-aari ng mga suspek.

Sa isinagawang inspeksyon, natuklasan ang dalawang long firearms sa loob ng sasakyan, na nagresulta sa agarang pag-aresto sa mga suspek matapos ang follow-up operation.

Nakumpiska mula sa kanila ang isang Bushmaster caliber 5.56mm rifle na may serial number BF126612, isang VLTOR caliber 5.56mm rifle na may serial number 114588, sampung bala ng 5.56mm, dalawang short magazines, at isang puting MG SUV na may plakang FAG 6355.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Talayan Municipal Police Station ang mga suspek kasama ang mga nakumpiskang ebidensya para sa dokumentasyon, habang inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanila dahil sa paglabag sa RA 10591.