Nasakote ng mga awtoridad ang isang lalaki na kabilang sa talaan ng mga most wanted persons sa BARMM sa ikinasang law enforcement operation kaugnay ng kasong panggagahasa na may kaugnayan sa paglabag sa Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Kinilala ang suspek sa alyas na anding, na nakalista bilang Top 1 Most Wanted Person sa municipal level, Top 5 Most Wanted Person sa provincial level, at Top 10 Most Wanted Person sa regional level ng Police Regional Office-BARMM.
Isinagawa ang pag-aresto sa pamamagitan ng pagsisilbi ng warrant of arrest ng pinagsanib na pwersa ng mga operatiba ng pulisya at iba pang law enforcement units sa Barangay Kauran, Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Batay sa rekord ng korte, nahaharap ang suspek sa kasong Rape in Relation to RA 7610 sa ilalim ng Criminal Case No. 2025-16981. Ang warrant of arrest ay inilabas ni RTC Branch 13 Presiding Judge Ysnaira A. Ibrahim noong Enero 30, 2026, at walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng akusado.
Matapos ang pag-aresto, isinailalim sa medical examination ang suspek bago dinala sa kustodiya ng pulisya habang hinihintay ang kaukulang proseso at pagbabalik ng warrant sa korte.
Patuloy namang pinaigting ng mga awtoridad ang kampanya laban sa mga wanted persons sa rehiyon bilang bahagi ng pagpapatupad ng batas at pagpapanatili ng kaayusan sa komunidad.

















