Hiniling ng United Bangsamoro Justice Party o UBJP sa Commission on Elections o COMELEC ang agarang pagpapaskil ng listahan ng mga miyembro at substitutes ng Electoral Boards o EB sa Cotabato City para sa September 14, 2026 Bangsamoro Parliamentary Elections.

Sa liham ng UBJP-Cotabato City na may petsang Agosto 27, sinabi nitong nakatanggap sila ng ulat na hindi pa naipapaskil sa bulletin boards ng Office of the Election Officer at City Hall ang listahan ng mga binuong Election Boards.

Nakatanggap din umano ang partido ng impormasyon na may ilang indibidwal na sinasabing konektado sa ilang kandidato at political party na sumasailalim sa EB training sa lungsod.

Ayon sa UBJP, kung mapatutunayang tama ang mga ulat, maaari itong maging paglabag sa mga probisyon ng COMELEC Resolution No. 11258.

Nakasaad sa resolusyon na dapat mabuo ang Election Boards hanggang Hunyo 29, 2026, habang kailangang ipaskil ang listahan ng mga itinalagang miyembro at substitutes sa bulletin boards ng Office of the Election Officer at City Hall sa loob ng isang araw matapos ang kanilang pagkakatalaga.

Iginiit din ng UBJP na dapat unahin sa paghirang ng mga miyembro ng Election Board ang mga kwalipikadong public school teachers, alinsunod sa naturang resolusyon.

Dahil wala umanong nakapaskil na opisyal na listahan, sinabi ng partido na hindi nito mapatunayan ang mga natanggap na ulat.

Kaugnay nito, hiniling ng UBJP sa COMELEC ang kopya ng listahan ng mga miyembro at substitutes sa bawat clustered precinct, dokumento ng petsa ng pagkakabuo ng Election Boards at patunay ng kanilang pagpapaskil.

Hiningi rin ng partido ang certified list ng mga kwalipikadong public school teachers at substitutes na isinumite sa Election Officer, pati ang kumpletong attendance list ng mga dumalo sa mga isinagawang EB training.

Hinimok ng UBJP ang Office of the Election Officer na mahigpit na sundin ang COMELEC Resolution No. 11258 upang matiyak ang maayos at patas na pagsasagawa ng halalan.

Nagbabala naman ang partido na kung hindi maaaksyunan ang mga inihain nitong concerns, maaari nitong iakyat ang usapin sa COMELEC at magsagawa ng naaangkop na legal na hakbang.