Mariing kinondena ng United Bangsamoro Justice Party ang patuloy na paglaganap ng maling impormasyon at mapanirang mensahe sa social media na umano’y nagdudulot ng kalituhan, pagkakahati-hati, at paghina ng tiwala sa mga institusyon sa Bangsamoro.
Ayon sa UBJP, bagama’t mahalaga ang malayang pagpapahayag, hindi ito dapat gamitin bilang dahilan upang magpakalat ng kasinungalingan, manira, o manlait, lalo na sa gitna ng papalapit na halalan sa rehiyon.
Binigyang-diin ng partido na ang ganitong uri ng diskurso ay maaaring magdulot ng “fitna” o pagkakawatak-watak sa komunidad, na taliwas sa layunin ng pagkakaisa at kaayusan sa Bangsamoro.
Kaugnay nito, nanawagan ang UBJP sa mga tagasuporta, lider, media practitioners, at mamamayan na maging mas responsable sa paggamit ng social media, kabilang ang masusing pagbeberipika ng impormasyon at paggamit ng mapagkakatiwalaang sources.
Hinimok din ng partido ang publiko na piliin ang mga diskursong nakapagpapalawak ng pang-unawa at nagtataguyod ng pagkakaisa, sa halip na magpalala ng hidwaan.
Iginiit ng UBJP na nananatili silang nakatuon sa pagsusulong ng katotohanan, pananagutan, at pagkakaisa para sa kapakanan ng Bangsamoro.

















