Limang katao ang naaresto habang isang menor de edad ang nasagip matapos mabuwag ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) BARMM at Cotabato City Police Office ang isang umano’y drug den sa Barangay Mother Poblacion, Cotabato City kahapon July 26.
Isinagawa ang buy-bust operation sa pangunguna ng PDEA BARMM sa pamamagitan ng PDEA Maguindanao del Norte Provincial Office, katuwang ang City Drug Enforcement Unit (CDEU) at City Intelligence Unit (CIU) ng Cotabato City Police Office.
Nasamsam sa operasyon ang 13 heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng tinatayang 25 gramo at may tinatayang halagang P170,000.
Narekober din ng mga operatiba ang dalawang cellphone, isang sedan kasama ang susi at mga dokumento nito, buy-bust money, dalawang identification card, at iba’t ibang drug paraphernalia.
Kabilang sa mga naaresto ang umano’y drug den maintainer na si alyas Salik, na nakalista bilang Regional Target Listed Personality, kasama ang apat pang suspek na kinilalang sina alyas Said, alyas Musa, alyas Dem, at alyas Damolag.
Samantala, isang lalaking menor de edad ang nasagip sa operasyon at isasailalim sa kaukulang intervention ng mga kinauukulang ahensya.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11, at 12 ng Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

















