Ipinasara ng Lokal na Pamahalaan ng Cotabato City ang isang terminal ng van na matatagpuan sa kahabaan ng Jose Lim Street ngayong araw, Mayo 27.

Batay sa inilabas na impormasyon, walong taon nang nag-ooperate ang nasabing terminal nang walang kaukulang prangkisa.

Dahil dito, hindi rin sila nabigyan ng business permit mula sa Business Permit and Licensing Office (BPLO).

Ayon sa City Government, walang renewal ng prangkisa ang mga operator mula sa Sangguniang Panlungsod, na siyang kinakailangan upang legal na makapamasada sa mga ruta palabas ng lungsod patungo sa iba’t ibang probinsya at lungsod.

Mariing paalala ng lokal na pamahalaan na kailangang dumaan sa tamang proseso at kumuha ng kaukulang dokumento upang makapag-operate nang legal at masiguro rin ang kaligtasan ng mga pasahero.