Mariing itinanggi ni Vice President Sara Duterte na mayroon siyang intensyong agawin o kunin ang posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasabay ng pagbibigay-diin na nananatili siyang tapat sa kanyang tungkulin bilang halal na Pangalawang Pangulo ng bansa.
Sa panayam ng mga mamamahayag matapos ang pagdalo sa paggunita ng Araw ng Kalayaan sa Davao City nitong Hunyo 12, sinabi ni Duterte na hindi niya sinusuportahan ang anumang hakbang na magpapabagsak sa kasalukuyang administrasyon sa pamamagitan ng mga paraang hindi naaayon sa Konstitusyon.
Ayon sa Bise Presidente, bilang susunod sa linya ng paghalili sa pagkapangulo, nakatali siya sa kanyang sinumpaang tungkulin na pangalagaan at ipagtanggol ang Saligang Batas ng bansa.
Binigyang-diin niya na ang anumang pagbabago sa pamunuan ng gobyerno ay dapat isagawa lamang sa pamamagitan ng mga legal at konstitusyunal na mekanismo.
Kasabay nito, pinabulaanan din ni Duterte ang mga alegasyong nais niyang mapalitan si Pangulong Marcos bago matapos ang termino nito. Gayunman, nagpahayag siya ng matinding kritisismo laban sa Pangulo sa kanyang naging pahayag sa media.
Lumabas ang pahayag ng Bise Presidente sa gitna ng mga ulat na may ilang grupo, kabilang ang mga dating opisyal ng militar, na umano’y naghihikayat ng suporta para sa posibleng pagkilos laban sa administrasyon. Ang naturang mga ulat ay patuloy umanong mino-monitor at iniimbestigahan ng mga kinauukulang ahensya.
Samantala, nananatiling bahagi ng mga usaping pampulitika ang posibilidad ng pagtakbo ni Duterte sa pambansang halalan sa taong 2028, bagama’t wala pa siyang pormal na anunsyo hinggil dito.