Patay ang isang ginang matapos pagbabarilin sa loob mismo ng kanilang tahanan sa Pansacala, Mother Barangay Rosary Heights, Cotabato City, dakong alas-9:00 ng gabi nitong Martes.

Kinilala ni Police Major Teofisto Ferrer Jr, hepe ng Cotabato City Police Station 2, ang biktima na si Norsana Ampatuan Lipoles-Ali, 59-anyos, isang Information Officer ng Barangay Local Government Unit (BLGU) ng Rosary Heights 10, at residente rin ng nasabing lugar.

Sa inisyal na imbestigasyon, may kumatok umano sa kanilang bahay at nagtanong kung doon nakatira si Norsana. Nang kumpirmahin ng anak na siya nga ang hinahanap, agad na pumasok ang suspek at walang pasabing binaril sa ulo ang ginang habang ito’y nagpapahinga.

Ayon sa Scene of the Crime Operatives (SOCO), isang caliber .45 na baril ang ginamit sa krimen, batay sa basyo ng bala na narekober sa lugar ng insidente.

Mabilis na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo na minamaneho ng kanyang kasabwat.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang motibo at ang mga nasa likod ng karumal-dumal na krimen.