Boluntaryong sumuko ang lider at isang miyembro ng umano’y Labain Criminal Group (LCG) at pormal na naserbisyuhan ng kani-kanilang warrant of arrest sa isinagawang joint operation sa Barangay Sanito, bayan ng Ipil.
Kinilala ang mga sumuko na sina Yasher Indal Hassan alyas Almain Apidol Labain, na itinuturing umanong lider ng grupo, at si Mahmod I. Kalim na sinasabing miyembro ng naturang samahan na nag-ooperate sa ilang lugar sa lalawigan.
Dinaluhan ang aktibidad ng mga opisyal mula sa law enforcement at lokal na pamahalaan, kabilang si PCOL Barnard Danie V. Dasugo, Provincial Director of the Zamboanga Sibugay Police Provincial Office (ZSBPPO); Hon. Angelito B. Aniñon, Municipal Mayor ng Tungawan, Zamboanga Sibugay; and BGEN Samuel G. Yunqu PA, Commander of the 102nd Infantry “IGSOON” Brigade, Philippine Army.
Ayon sa mga awtoridad, ang pagsuko ng dalawa at mapayapang pagsisilbi ng warrant of arrest ay bahagi ng nagpapatuloy na kampanya laban sa kriminalidad at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.
Sinabi rin ng militar na patuloy ang panawagan sa mga indibidwal na sangkot sa mga ilegal na aktibidad na makipagtulungan sa pamahalaan at tahakin ang legal na proseso bilang bahagi ng mga hakbang tungo sa pangmatagalang kapayapaan at katatagan sa probinsya ng Zamboanga Sibugay.

















