Nasakote ang tatlong hinihinalang high-value drug personalities matapos ang isinagawang buy-bust operation na nauwi sa pagbuwag ng isang drug den sa Barangay Poblacion 1, Cotabato City, madaling araw ng Abril 12, 2026.

Pinangunahan ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency sa BARMM – Maguindanao del Norte Provincial Office at mga operatiba ng Philippine National Police kabilang ang City Intelligence Unit, City Mobile Force Company, at Police Station 1 ng Cotabato City Police Office.

Kinilala ang mga naarestong suspek sa kanilang mga alyas na “Nhots,” 56 anyos; “Jack,” 49 anyos; at “Toten,” 45 anyos, na pawang itinuturing na high-value targets sa ilegal na droga.

Sa operasyon, nakumpiska ang tinatayang 25 gramo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa labinlimang heat-sealed plastic sachets na may kabuuang halagang aabot sa ₱170,000.

Narekober din ng mga awtoridad ang iba’t ibang drug paraphernalia, buy-bust money, isang mobile phone, at isang identification card.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA BARMM Jail Facility ang mga suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 habang hinihintay ang inquest proceedings.