Isang bagong pahayag mula sa umano’y suspek ang muling nagpainit sa imbestigasyon sa pagkawala ng 34 na sabungero na hindi na muling nakita simula pa noong 2021.
Sa isang panayam, isiniwalat ni alyas “Totoy” na pinatay umano ang mga biktima at inilibing sa ilalim ng Taal Lake. Ayon sa kanya, sinakal ang mga ito gamit ang wire matapos silang mahuling nandaraya umano sa sabungan.
Ibinunyag rin ni Totoy na may mga kilalang drug lord na kabilang sa mga inilibing sa lawa, ngunit tumanggi muna siyang pangalanan ang mga ito. Aniya, kaya siya nagsalita ay dahil sa pangambang may mangyaring masama sa kanyang pamilya.
Kabilang sa mga kinilalang nawawala ay anim na security guards ng isang sabungan: sina Julie Patidongan, Gleer Codilla, Mark Carlo Zabala, Virgilio Bayog, Johnry Consolacion, at Roberto Matillano Jr.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at Department of Justice (DOJ) upang matukoy ang buong katotohanan sa likod ng insidente.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, tinuturing na mass murder ang kaso at tiniyak niya sa publiko na hindi ito maisasantabi. Itinuring niya ang mga nawawalang sabungero na biktima ng isang organisadong grupo na posibleng may kinalaman sa ilegal na sabungan at iba pang krimen.
Naglaan na rin ng ₱6 milyong pabuya ang gobyerno para sa sinumang makapagtuturo sa mga responsable. Samantala, inirekomenda na rin ng DOJ ang muling pag-aresto sa anim na dating security guard na unang nadawit sa kaso matapos na makapagpiyansa.
Nanawagan ang mga pamilya ng mga biktima ng mas masusing imbestigasyon at katarungan para sa kanilang mga mahal sa buhay. Hiling nila na mapanagot ang tunay na nasa likod ng krimen at maibalik ang bangkay ng kanilang mga kaanak.