Arestado ang isang 22-anyos na lalaki na kabilang sa mga most wanted person sa Maguindanao del Norte at Cotabato City dahil sa kasong paglabag sa New Anti-Carnapping Act of 2016 o Republic Act 10883.

Kinilala ng pulisya ang suspek sa mga alyas na Datu Ali Kamsa, Patick at Anania Porras, na naaresto dakong alas-tres kahapon, Nobyembre 26 sa Purok Salamat, Barangay Mother Poblacion, Cotabato City.

Isinagawa ang pag-aresto ng pinagsanib na puwersa ng Intelligence-Tracker ng Special Operations Team ng Regional Highway Patrol Unit BARMM, Philippine Highway Patrol Team-Maguindanao del Norte, Criminal Investigation Unit ng Cotabato City Police Office at Police Station 1 ng CCPO.

Batay sa ulat, kabilang ang suspek sa Top 9 Most Wanted Person sa provincial level ng Maguindanao del Norte, Top 10 sa city level ng Cotabato City at Top 5 sa station level ng Police Station 4, bukod pa sa pagkakasama nito sa national target list ng Highway Patrol Group.