Sugatan ang tatlong miyembro ng Bangsamoro Islamic Armed Forces o BIAFmatapos mauwi sa kaguluhan ang isang settlement meeting sa Sitio Pokling, Barangay Sambolawan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte, kahapon, Nobyembre 26.

Kinilala ang mga biktima na sina alyas Pah, 37-anyos, alyas Aman at Sai, na pawang miyembro ng Inner Guard ng 19th Brigade ng BIAF.

Batay sa paunang imbestigasyon ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, nagtungo ang mga biktima sa naturang lugar dakong alas-5:45 ng hapon upang dumalo sa pag-aayos ng alitan sa pagitan ng mga tauhan umano nina Commander Gringo at Commander Jun Barang.

Gayunman, hindi nagkasundo ang dalawang panig sa naturang pag-uusap na nauwi sa mainitang pagtatalo at suntukan.

Ilang minuto matapos nito, nakarinig umano ang mga biktima ng malakas na pagsabog na sinundan ng sunod-sunod na putok ng baril, bago nadiskubreng nagtamo sila ng mga pinsala.

Agad silang isinugod ng kanilang mga kasama sa Cotabato Sanitarium and General Hospital para sa agarang pagpapagamot.

Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa barangay chairman ng Sambolawan kaugnay ng insidente, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga responsable at motibo sa pagpapaputok.