Nagkasundo ang mga kinatawan ng lokal na pamahalaan, Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Philippine Army sa pagbuo ng isang task force na tututok sa koordinasyon at pagmomonitor ng mga usaping pangkapayapaan at seguridad sa Nabalawag.

Nabuo ang kasunduan sa isinagawang Peace and Reconciliation Dialogue na pinangunahan ni 602nd Infantry Brigade Commander BGen. Ricky P. Bunayog sa headquarters ng 33rd Infantry Battalion kahapon, Nobyembre 26, 2026.

Kabilang sa mga nagkasundo sina Nabalawag Municipal Vice Mayor Peng “Samurai” Lakiman at Base Command Interim Commander Abdulatip “Paitem” Kedto.

Sa ilalim ng kasunduan, bubuuin ang Task Force Joint Security Monitoring and Action Team o TF JSMAT na magsisilbing mekanismo sa koordinasyon, pagmomonitor at agarang pagtugon sa mga usaping may kaugnayan sa kapayapaan at seguridad sa komunidad.

Nakiisa rin sa dayalogo ang mga kinatawan ng Philippine National Police sa pangunguna ni PCPT Edwin C. Mondejar, Officer-in-Charge ng Nabalawag Municipal Police Station, kasama ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, MILF at iba pang sektor.

Kabilang sa mga dumalo si MP Mohammad “Kelie” Antao, Administrator ng Special Geographic Area Development Authority, at mga kinatawan ng MILF Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities at Ad Hoc Joint Action Group.

Layunin ng napagkasunduang mekanismo na mapalakas ang pagtutulungan ng mga kinauukulang panig sa pagresolba ng mga hindi pagkakaunawaan at pagpapanatili ng seguridad sa Nabalawag.