Nilinaw ni House prosecutor at Manila Representative Joel Chua na ang hinihiling na 62 trial dates para sa presentasyon ng ebidensya sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte ay itinakda lamang bilang pinakamahabang posibleng panahon na maaaring kailanganin ng prosekusyon.
Ayon kay Chua, hindi nangangahulugan na gagamitin nila ang kabuuang bilang ng mga araw na ito dahil nakadepende pa rin ang haba ng paglilitis sa takbo ng presentasyon ng mga ebidensya at mga testigo.
Ipinaliwanag ng mambabatas na ang kahilingan para sa 62 trial dates ay ibinatay sa dami ng mga dokumento at testigong nakatakdang iharap, kabilang ang mahigit 4,000 dokumentong may kaugnayan sa paggamit ng confidential funds.
Dagdag pa niya, hindi rin obligado ang prosekusyon na iharap ang lahat ng apat na Articles of Impeachment kung sapat na ang mga maipapakitang ebidensya upang mapatunayan ang mga alegasyong nakasaad sa kaso. Ayon kay Chua, maaaring tumutok lamang ang prosekusyon sa mga artikulong may pinakamalakas na batayan upang suportahan ang kanilang argumento sa paglilitis.

















