Nagbigay ng agarang ayuda at tulong ang mga tropa ng 6th Infantry (Kampilan) Division (6ID) at Joint Task Force Central (JTFC) sa mga komunidad na naapektuhan ng patuloy na malakas na pag-ulan sa kanilang nasasakupan noong Hulyo 8 at 9.

Ayon sa 6ID, agad na inilagay sa alerto ang kanilang Disaster Response Units (DRUs) upang suportahan ang mga operasyon ng mga lokal na pamahalaan sa pagtugon sa mga lugar na binaha at mga residenteng naapektuhan ng masamang panahon.

Kasama ang mga lokal na pamahalaan, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Offices (MDRRMOs), mga opisyal ng barangay, at iba pang responders, nagsagawa ang mga sundalo ng assessment, monitoring, at pagbibigay ng kinakailangang tulong sa mga residente.

Pinangunahan ng mga Disaster Response Units ng 601st Infantry Brigade, 603rd Infantry Brigade, at 1st Marine Brigade ang humanitarian assistance at disaster response operations sa iba’t ibang apektadong lugar.

Kabilang sa kanilang mga isinagawang hakbang ang pagtulong sa mga na-stranded na indibidwal at mga pamilyang naapektuhan ng pagbaha, pag-inspeksyon sa mga flood-prone areas, at patuloy na pagbabantay sa pagtaas ng lebel ng tubig sa mga bayan ng Ampatuan, Datu Abdullah Sangki, Talayan, at South Upi sa Maguindanao del Sur; Datu Odin Sinsuat, Barira, at Parang sa Maguindanao del Norte; gayundin sa Palimbang at Lebak sa Sultan Kudarat.

Isinagawa ang mga operasyon sa mahigpit na koordinasyon ng mga lokal na pamahalaan, MDRRMOs, mga opisyal ng barangay, Quick Response Teams, Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), at iba pang katuwang na ahensya upang matiyak ang mabilis at maayos na pagtugon sa sitwasyon.

Samantala, nananatiling nakaalerto ang iba pang Disaster Response Units ng 6ID/JTFC at patuloy na mino-monitor ang kanilang mga nasasakupan upang agad na makapagbigay ng tulong kung kinakailangan.

Iginiit ng 6ID/JTFC na bukod sa kanilang tungkulin sa pagpapanatili ng seguridad, nananatili rin silang handang tumulong sa mga komunidad sa panahon ng kalamidad sa pakikipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan at iba pang katuwang upang maprotektahan ang buhay at kaligtasan ng mga residente.