Kalaboso ang isang lalaki na kinikilalang kasapi ng Moro Islamic Liberation Front o MILF matapos mahulihan ng mahigit tatlong milyong pisong halaga ng shabu sa bayan ng Wao, Lanao del Sur kahapon ng tanghali.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Jamil Saripada, 34 anyos, residente ng Barangay East Kilikili. Sa nakuhang identification card sa kanya, lumalabas na miyembro ito ng 103rd Base Command ng MILF.

Ayon sa Regional Drug Enforcement Unit ng PRO-BAR, ikinasa ang buy-bust operation sa Purok Dos, Barangay Buntongan kung saan nasamsam mula kay Saripada ang apat na malalaking pakete ng shabu na may kabuuang halaga na P3,128,000.

Kasalukuyang nakakulong sa Wao Municipal Police Station ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.