Arestado ang anim na indibidwal matapos mabuwag ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Region 9 ang isang umano’y drug den sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay San Francisco, Pagadian City, Zamboanga del Sur.

Isinagawa ang operasyon dakong alas-3:40 ng hapon nitong Oktubre 5, 2026, sa pangunguna ng PDEA-Zamboanga del Sur Provincial Office, katuwang ang mga tauhan ng Pagadian City Police Station, PNP Regional Intelligence Unit 9, Coast Guard Intelligence Unit Zamboanga del Sur, at Naval Intelligence and Security Unit 63.

Kabilang sa mga naaresto ang 36-anyos na alyas “Ken-Ken,” na sinasabing tagapamahala ng drug den; ang 36-anyos na alyas “Melody,” na sinasabing empleyado nito; at apat na umano’y bisita na kinilalang sina alyas “Eric,” 36-anyos; “Honie,” 24-anyos; “Melecio,” 36-anyos; at “Angelica,” 27-anyos.

Nakumpiska sa operasyon ang 12 sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 7.04 gramo, na tinatayang nagkakahalaga ng 47,872 pesos.

Narekober din ang dalawang sachet na may hinihinalang residue ng droga, gayundin ang ilang kagamitang umano’y ginagamit sa drug den, kabilang ang mga disposable lighter, lighter na may improvised needle, gunting, aluminum foil, improvised tooters at scoopers, power bank, mga lalagyan, cellphone at buy-bust money.

Nahaharap ang mga naaresto sa mga kasong paglabag sa Sections 5, 6, 7, 11, 12 at 15, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.