Nasawi ang dalawang lalaki matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Barangay Marang, Sumisip, Basilan noong Oktubre 4.
Kinilala ang mga biktima sa alyas na Husni at Uddin, kapwa nasa hustong gulang at residente ng nasabing barangay.
Ayon sa ulat ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, pasado alas-5:50 ng hapon nang pagbabarilin ang dalawa habang sakay ng isang motorsiklo at bumibiyahe sa isang barangay road mula sa kalapit na barangay.
Kapwa nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.
Nakatakas naman ang mga suspek na hindi pa nakikilala at tumakas sa hindi matukoy na direksyon.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Sumisip Municipal Police Station, Regional Mobile Force Battalion 14-B at Joint Peace and Security Team, katuwang ang 32nd Infantry Battalion ng Philippine Army, para sa beripikasyon at imbestigasyon.
Iniuwi na sa kanilang mga pamilya ang mga labi ng dalawang biktima para sa kaukulang paglilibing.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya at militar upang matukoy ang mga suspek at motibo sa pamamaril.

















