Bilang patunay ng kanilang suporta sa kampanya ng pamahalaan para sa kapayapaan at pagbuwag ng mga sandata, boluntaryong isinuko ng mga residente ng Datu Unsay, Maguindanao del Sur ang pitong (7) high-powered firearms sa mga awtoridad noong Setyembre 30, 2025.

Isinagawa ang pagsuko ng mga armas sa gitna ng Joint Local Special Bodies at Municipal Peace and Order Council Meeting, kung saan nakiisa ang mga opisyal ng 90th Infantry (Bigkis-Lahi) Battalion ng 6th Infantry Division, Philippine Army, at ng Philippine National Police (PNP).

Ang matagumpay na aktibidad ay bunga ng pagtutulungan ng PNP, 90IB, 601st Brigade, at ng lokal na pamahalaan ng Datu Unsay. Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng pulisya ang mga baril para sa tamang disposisyon, upang matiyak na hindi na ito magagamit sa anumang marahas na aktibidad.

Ipinapakita ng hakbang na ito ang matatag na suporta ng pamahalaang lokal ng Datu Unsay sa Small Arms and Light Weapons Management Program at sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa kanilang komunidad.