Umakyat na sa 22 ang bilang ng nasawi sa trahedya ng pagguho ng Binaliw landfill sa Cebu City.
Ayon sa ulat ng mga awtoridad, natagpuan nitong umaga ng Enero 15 ang bangkay ng isang babae at isang lalaki, bandang alas-6:30 at alas-6:51 ng umaga.
Bukod sa mga nasawi, 18 katao ang sugatan at kasalukuyang ginagamot sa iba’t ibang ospital, habang 14 pa ang nawawala at patuloy na hinahanap ng mga rescuers.
Kasalukuyang isinasagawa ng Cebu City Disaster Risk Reduction and Management Office (CCDRRMO), katuwang ang Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, at mga volunteer groups, ang search and retrieval operations sa lugar ng insidente.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), nakahanda silang magbigay ng tulong at magpatupad ng mga hakbang upang matulungan ang mga biktima. Sisiyasatin din ng ahensya ang kalagayan ng landfill upang maiwasan ang muling pagkakaganap ng ganitong trahedya.
Samantala, nagbigay ng tulong ang operator ng landfill sa mga pamilya ng mga nasawi at sa mga rescuers na patuloy na nagtatrabaho sa operasyon.

















