Nilinaw ng Philippine Coast Guard (PCG) na umabot na sa 40 ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa paglubog ng motor vessel MV Trisha Kerstin 3, taliwas sa naunang ulat na 39 lamang.
Ayon sa PCG, nananatili naman sa 316 ang bilang ng mga survivor ng naturang maritime incident.
Ipinaliwanag ni Coast Guard District Southwestern Mindanao (CGDSWM) Commander, Commodore Rejard Marte PCG, na ang pagtaas ng bilang ng nasawi ay bunsod ng pagkakadagdag ng isang bangkay—isang anim na buwang gulang na sanggol na babae—na isinuko sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Basilan noong Enero 26, 2026. Ang nasabing biktima ay inihanda para sa wastong disposisyon bago dinala sa Zamboanga City.
Tinanggap ng PCG ang naitamang tala matapos ang isinagawang validation at coordination meeting kasama ang PDRRMO at City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), kung saan muling inisa-isa at pinag-ugnay ang lahat ng naitalang recoveries kaugnay ng insidente.
Nagpaabot naman ng taos-pusong pakikiramay ang Philippine Coast Guard sa mga naulilang pamilya at tiniyak na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan upang masiguro ang tumpak na pag-uulat at maayos na paghawak sa lahat ng mga biktima.

















