Nagbigay ng babala ang ilang eksperto na posibleng tumaas ang antas ng kahirapan at gutom sa bansa kung magpapatuloy ang tensyon sa Middle East, partikular na ang alitan ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran na umabot na sa higit dalawang linggo.
Ayon kay Professor Anna Malindug-Uy, isang geopolitical analyst, hindi biro ang kasalukuyang krisis pang-ekonomiya na nararanasan ng Pilipinas. Paliwanag niya, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado ay nagdudulot ng domino effect sa presyo ng pangunahing bilihin sa bansa.
Payo ng eksperto, maaaring tumaas rin ang insidente ng krimen gaya ng nakawan, hold-up, at scams habang sinisikap ng ilan na tugunan ang kanilang gutom at pangangailangan.
Dagdag pa niya, sa mga susunod na buwan, posibleng hindi na kayanin ng maraming pamilyang Pilipino ang kanilang pang-araw-araw na gastusin, lalo na’t walang senyales ng pagtaas sa sahod ng minimum wage earners kahit tumaas na ang pamasahe at presyo ng bilihin.
Nakakabahala rin aniya na kahit ang mga nasa middle class ay nararamdaman na ang epekto ng krisis, na dahilan upang maging alerto ang lahat sa posibleng lumalalang kalagayan sa ekonomiya ng bansa.

















