Lumalalala ang tensyon sa Gitnang Silangan matapos ang mga pag-atake sa kritikal na pasilidad ng enerhiya, na nagdudulot ng pangamba sa pandaigdigang merkado at seguridad.

Mahigit tatlong linggo na ang nakalipas mula nang sumiklab ang labanan noong Pebrero 28, kasunod ng sabayang opensiba ng Estados Unidos at Israel laban sa Iran. Hindi na lamang ito simpleng sagupaan ng militar, kundi lumawak na sa strategic targeting ng mga pangunahing pasilidad ng langis at gas.

Kabilang sa mga tinamaan ang South Pars gas field ng Iran, isa sa pinakamalalaking imbakan ng natural gas sa mundo at mahalaga sa suplay ng enerhiya ng bansa.

Bilang tugon, nagsagawa ang Iran ng sunod-sunod na drone attacks sa Mina Al-Ahmadi refinery sa Kuwait at Ras Laffan gas facility sa Qatar—dalawa sa pinakamahalagang energy hubs sa Gulf region.

Hindi rin limitado sa Gulf ang tensyon. Pinalawak ng Israel ang operasyon nito hanggang sa Caspian Sea, kung saan tinarget ang ilang barkong pandigma at coastal installations ng Iran.

Ayon sa ulat ng United Kingdom, sinubukan umano ng Iran na tamaan ang pinagsamang base militar ng UK at US sa Indian Ocean gamit ang ballistic missiles, ngunit hindi ito nagtagumpay.

Dahil dito, ramdam na agad ang epekto sa pandaigdigang merkado—lalo na sa presyo ng langis. Kasunod ng kontrol ng Iran sa Strait of Hormuz, isang kritikal na ruta ng humigit-kumulang 20% ng suplay ng langis at gas sa mundo, umakyat ng higit 50% ang presyo ng North Sea Brent crude, lagpas na sa $105 kada bariles.

Direktang maaapektuhan ang mga bansang umaasa sa imported na enerhiya, kabilang ang Pilipinas, na posibleng makaranas ng pagtaas sa presyo ng gasolina, kuryente, at iba pang pangunahing bilihin.