Mariing tiniyak ng Police Regional Office–BAR na hindi sila titigil hangga’t hindi napapanagot ang mga responsable sa madugong ambush sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.
Ayon kay Police Captain Steffi Salanguita, nananatiling matibay ang kanilang commitment na makamit ang hustisya para sa limang nasawing pulis.
Giit ng opisyal, tuloy-tuloy ang operasyon ng pulisya upang matunton at maaresto ang mga salarin sa lalong madaling panahon.
Kasabay nito, pinaigting ang hot pursuit operations sa pakikipag-ugnayan sa Armed Forces of the Philippines upang mas mapabilis ang paghahanap sa mga suspek.
May tinutukoy na ring mga persons of interest ang mga awtoridad habang patuloy ang masusing imbestigasyon sa insidente.
Tiniyak din ng PNP na hindi pababayaan ang mga pamilya ng mga nasawi at sisiguraduhing matatanggap nila ang nararapat na tulong at benepisyo.
Iginiit ng PRO–BAR na pananagutin ang mga may sala at hindi palalampasin ang pag-atakeng kumitil sa buhay ng kanilang mga kasamahan.

















