Narekober ng mga awtoridad ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region o PRO BAR ang 15 kahon ng iba’t ibang uri ng pinaghihinalaang smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng tinatayang P605,764 sa Barangay Macabiso, Sultan Mastura, Maguindanao del Norte.
Naganap ang recovery pasado alas-9:50 ng gabi noong Setyembre 6, 2026, matapos makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion 14-A habang nagbibiyahe sa national highway.
Nang beripikahin ng mga rumespondeng pulis ang impormasyon, nakita nila ang mga kahon ng sigarilyo na iniwan sa lugar at walang sinumang umangkin sa mga ito.
Dinala ang mga nakuhang sigarilyo sa Sultan Mastura Municipal Police Station para sa dokumentasyon, imbentaryo at pag-iingat.
Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan, may-ari at legalidad ng mga nakuhang sigarilyo.
Pinuri ni PRO BAR Regional Director PBGen. Christopher M. Abecia ang mga operating unit dahil sa mabilis na pagtugon at pagiging mapagmatyag sa operasyon laban sa smuggling at iba pang ilegal na aktibidad.

















