Mainit na sinalubong ng Hukbong Himpapawid ng Pilipinas (PAF), katuwang ang Office of the President, Overseas Workers Welfare Administration, Department of Migrant Workers, Department of Health, at Bureau of Immigration, ang 346 Overseas Filipino Workers (OFWs) na ligtas na nakabalik mula sa Gitnang Silangan noong Abril 13, 2026.
Dumating ang mga repatriated OFWs sa Colonel Jesus Villamor Air Base bilang bahagi ng ika-siyam na repatriation mission ng pamahalaan. Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng maayos at koordinadong pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya upang matiyak ang ligtas at maayos na pag-uwi ng mga kababayan.
Pagdating sa bansa, agad na tinulungan ng mga tauhan ng PAF ang mga OFWs sa kanilang pangangailangan, kabilang ang medical assistance, dokumentasyon, at transportasyon patungo sa kani-kanilang mga probinsya. Layunin ng mga hakbang na ito na masiguro ang kanilang kaligtasan at kaginhawaan matapos ang kanilang pagbabalik.
Sa kabila ng mga hamon sa ganitong uri ng operasyon, muling pinatunayan ng PAF ang kanilang kahandaan at dedikasyon sa pagtupad ng tungkulin—ang maglingkod at magbigay-proteksyon sa mga Pilipino saan man sa mundo. Patuloy naman ang panawagan ng pamahalaan na palakasin ang suporta at serbisyong inilalaan para sa mga OFWs, na itinuturing na mahalagang haligi ng ekonomiya ng bansa.
Inaasahan na magpapatuloy ang ganitong mga repatriation efforts upang matulungan ang iba pang Pilipinong nangangailangan ng agarang pag-uwi sa gitna ng iba’t ibang krisis sa ibang bansa.

















