Mas pinaigting pa ng 1st Infantry o “Tabak” Division ng Philippine Army ang kampanya laban sa paglaganap ng loose firearms matapos ang sunod-sunod na pagsuko ng armas at bala sa Lanao del Sur.
Sa ulat, nasa kabuuang 17 iba’t ibang uri ng baril at dalawang granada ang boluntaryong isinuko sa isinagawang turnover activity sa bayan ng Amai Manabilang noong Abril 14, 2026.
Pinangunahan ito ng tropa ng 55th Infantry Battalion, sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan. Kabilang sa mga isinukong armas ang high-powered at low-powered firearms gaya ng Garand rifles, carbines, shotguns, at submachine guns, ilan sa mga ito ay wala nang serial number.
Ang nasabing turnover ay dinaluhan ng mga opisyal ng pamahalaan at iba pang stakeholders, bilang patunay ng mas pinaigting na koordinasyon para sa kapayapaan at seguridad sa lugar.
Sa hiwalay namang operasyon noong Abril 13 sa bayan ng Bayang, isang indibidwal na sinasabing supporter ng Dawlah Islamiyah-Maute Group ang boluntaryong sumuko sa tropa ng 64th Infantry Battalion.
Kasabay nito, isinuko rin ang isang kalibre .45 na pistola, magazine, limang bala, pati isang RPG ammunition at dalawang RPG propellants.
Ayon sa pamunuan ng militar, mahalaga ang mga ganitong hakbang upang tuluyang mapahina ang mga armadong grupo at maiwasan ang paggamit ng ilegal na armas sa komunidad.
Binigyang-diin naman ng 103rd Infantry Brigade na malaking bahagi ang kooperasyon ng lokal na pamahalaan at mamamayan sa pagpapanatili ng seguridad at kapayapaan sa lalawigan.
Samantala, pinuri ng 1st Infantry Division ang mga sundalo at katuwang na ahensya sa kanilang dedikasyon, kasabay ng panawagan sa publiko na patuloy na makiisa sa mga programang naglalayong wakasan ang karahasan at isulong ang pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.

















