Inaasahan ang panibagong rollback sa presyo ng mga produktong petrolyo ngayong linggo matapos ipahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang planong pagpapatupad nito.

Batay sa inisyal na pagtataya, maaaring bumaba ang presyo ng diesel ng halos ₱24.94 kada litro, habang nasa ₱3.41 naman ang inaasahang bawas sa gasolina at ₱2.00 sa kerosene.

Kapag tuluyang ipinatupad, posibleng umabot sa humigit-kumulang ₱107.40 kada litro ang diesel, ₱92.20 ang gasolina, at ₱138.87 naman ang kerosene.

Ayon sa Pangulo, mas malaki ang inaasahang rollback na ito kumpara sa mga naunang linggo at inaasahang makapagbibigay ng ginhawa sa mga motorista at sa publiko.

Kasabay nito, nanawagan siya sa mga oil companies na tiyakin ang maayos, kumpleto, at napapanahong pagpapatupad ng bawas-presyo upang maiwasan ang anumang iregularidad.

Ito na ang ikalawang sunod na linggo ng rollback matapos ang sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng langis na dulot ng tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran noong mga nakaraang buwan.

Hinimok din ang publiko na agad ireport sa Office of the President at Department of Energy ang anumang paglabag sa implementasyon ng fuel prices upang mas mapabilis ang aksyon ng pamahalaan.

Samantala, nagpapatuloy ang ilang hakbang ng gobyerno upang suportahan ang sektor ng transportasyon, kabilang ang ₱10 fuel subsidy para sa mga driver ng public utility vehicles at ang pagpapatupad ng Service Contracting Program.

Nagbigay rin ng tatlong buwang palugit ang Department of Transportation at Land Transportation Office sa bisa ng driver’s license, student permit, conductor’s license, at rehistro ng sasakyan na mag-e-expire ngayong Abril 2026, kung saan walang ipapataw na multa o karagdagang bayarin sa loob ng extension period.

Ayon sa Malacañang, layunin ng mga hakbang na ito na maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis sa pang-araw-araw na gastusin ng mga Pilipino.