Nagbabala ang PAGASA sa posibleng matinding init ng panahon ngayong April 24, 2026, kung saan nangunguna ang Cotabato City na inaasahang aabot sa 44°C heat index, ang pinakamataas sa inilabas na tala.
Kasunod nito ang Sangley Point sa Cavite at Butuan City sa Agusan del Norte na kapwa posibleng makaranas ng 42°C, habang nasa 41°C naman ang forecast sa Iloilo City.
Nasa 40°C heat index din ang ilang lugar kabilang ang San Ildefonso sa Bulacan, CLSU Muñoz sa Nueva Ecija, Camiling sa Tarlac, Dagupan City sa Pangasinan, Tuguegarao City sa Cagayan, at San Jose sa Occidental Mindoro.
Ayon sa PAGASA, ang ganitong antas ng heat index ay nasa ilalim ng “extreme caution” hanggang “danger” level, kung saan posibleng maranasan ang heat-related illnesses tulad ng heat exhaustion at heat stroke kung hindi makakaiwas sa matinding init.
Patuloy ang paalala sa publiko na iwasan ang matagal na pagkabilad sa araw, uminom ng sapat na tubig, at magsuot ng preskong kasuotan upang makaiwas sa epekto ng sobrang init ng panahon.

















