Nanawagan ang “West Philippine Sea: Atin Ito!” coalition ng mas malawak na pakikilahok ng publiko sa pagsusulong at pagtatanggol sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Sa isang press conference, iginiit ng mga kinatawan ng grupo na ang usapin sa West Philippine Sea ay hindi lamang tungkulin ng pamahalaan, kundi isang pambansang isyung nangangailangan ng pakikilahok ng bawat Pilipino.
Ayon kay Rear Admiral Jay Tarriela, mahalagang mapalawak ang kaalaman ng publiko hinggil sa isyu upang higit na maunawaan ang kahalagahan ng paggiit sa karapatan ng bansa sa naturang karagatan.
Binigyang-diin naman ni Akbayan Citizens’ Action Party President Rafaela David na mahalaga ang aktibong pakikibahagi ng mamamayan, lalo na sa gitna ng patuloy na paggiit ng Pilipinas sa mga karapatan nito sa West Philippine Sea.
Sinabi rin ni dating Finance Undersecretary Prof. Cielo Magno na may malawak na implikasyon ang usapin, hindi lamang sa teritoryo kundi maging sa seguridad sa enerhiya, suplay ng pagkain, kabuhayan, at kalakalan.
Para naman kay dating presidential adviser Ronald Llamas, ang usapin sa West Philippine Sea ay may direktang epekto hindi lamang sa kasalukuyan kundi maging sa kinabukasan ng susunod na mga henerasyon.
Kasabay nito, inanunsyo ng coalition ang isang civilian mission sa West Philippine Sea mula Abril 30 hanggang Mayo 5. Layunin nitong maghatid ng mga suplay at ipakita ang patuloy na pakikiisa ng sibilyang sektor sa pagsusulong ng karapatan ng Pilipinas sa naturang karagatan.

















