Pormal nang idineklara ang bayan ng Panglima Estino bilang isang Rido-Free, Gun-Free, at Peace-Centered Community, kasabay ng pagkilala rito bilang may Stable Internal Peace and Security (SIPS), bilang bahagi ng patuloy na hakbang para sa pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa lalawigan ng Sulu.

Dinaluhan ang seremonya ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan, kinatawan ng security sector, at iba’t ibang stakeholder sa komunidad bilang pagpapakita ng sama-samang suporta sa pagsusulong ng kapayapaan sa bayan.

Ayon sa mga opisyal, sumasalamin ang deklarasyon sa kolektibong pagsisikap ng lokal na pamahalaan, security forces, religious leaders, at mga residente upang tuluyang maresolba ang mga rido o clan conflict, mapigilan ang paglaganap ng loose firearms, at mapanatili ang mapayapa at ligtas na kapaligiran para sa komunidad.

Dumalo bilang guest of honor si Gov. Abdusakur A. Tan II, Provincial Governor ng Sulu na nagpahayag ng suporta sa patuloy na pagpapatibay ng kapayapaan at pagkakaisa sa lalawigan.

Kabilang sa mga naging tampok ng programa ang unveiling ng peace declaration marker, paglagda sa peace covenant, at simbolikong pagpapalipad ng kalapati bilang representasyon ng pagkakaisa, pagkakasundo, at pangmatagalang kapayapaan sa bayan.

Pinuri rin ni Maj. Gen. Leonardo I. Peña, Commander ng 11th Infantry “Alakdan” Division and Joint Task Force Orion ang pakikipagtulungan ng mga lokal na opisyal, komunidad, at security forces sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa lugar.

Binigyang-diin naman ni Governor Tan ang kahalagahan ng pagpapatuloy ng kooperasyon ng iba’t ibang sektor upang mapanatili ang mga naabot nang tagumpay sa kapayapaan at lalo pang mapalakas ang kaunlaran sa Sulu.

Ayon sa mga awtoridad, ang deklarasyon ay bahagi ng mas malawak na peacebuilding efforts sa lalawigan, kasunod ng mga kaparehong deklarasyon sa iba pang bayan ng Sulu.