Matagumpay na nagsagawa ang Maguindanao del Norte Police Provincial Office (MDNPPO), katuwang ang Provincial Government of Maguindanao del Norte at sa tulong ni Bangsamoro Transition Authority (BTA) Deputy Floor Leader MP Atty. Suharto “Teng” M. Ambolodto, MNSA, ng Barangay Peacekeeping Action Teams (BPATs) Training of Trainers (TOT) para sa Barangay Peacekeeping Orientation Course sa CNX Resto & Travelers Inn.

Kabuuang 134 miyembro ng BPAT mula sa mga bayan ng Sultan Kudarat, Datu Odin Sinsuat, Parang, Upi, at Sultan Mastura ang nagtapos sa pagsasanay na isinagawa mula Mayo 28 hanggang 30, 2026, habang ginanap ang culminating program noong Mayo 31.

Layunin ng naturang pagsasanay na higit pang mapaigting at ma-standardize ang grassroots security operations sa mga barangay, gayundin ang paghahanda ng mga local facilitators na magpapalawak ng kaalaman at kasanayan sa kani-kanilang komunidad hinggil sa community-based peacekeeping.

Kabilang sa isinagawang pagsasanay ang mga lecture, leadership sessions, practical exercises, at simulation activities na nakatuon sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga BPAT bilang katuwang sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa barangay.

Sa mensahe ni PLTCOL Samuel Roy M. Subsuban, Deputy Provincial Director for Administration, na kumatawan kay Acting Provincial Director PCOL George D. Bagundol Jr., binigyang-diin nito ang mahalagang papel ng mga BPAT bilang unang hanay ng depensa sa komunidad upang makatulong sa crime prevention, pagtugon sa lokal na usapin, at pagpapalakas ng ugnayan sa pagitan ng mamamayan at law enforcement agencies.

Samantala, sa mensaheng ipinaabot ni Sultan Kudarat Municipal Administrator Sultan Banjo M. Mampon para kay Governor Datu Tucao O. Mastura, CPA, iginiit nito ang kahalagahan ng pagpapalakas sa kakayahan ng mga community-based peacekeepers bilang hakbang sa mas ligtas at maayos na komunidad.

Binigyang-diin naman ni MP Atty. Suharto “Teng” M. Ambolodto, MNSA na mahalaga ang pagpapalakas ng grassroots peace and security mechanisms upang mapanatili ang kapayapaan, kaunlaran, at pagkakaisa sa Bangsamoro.

Inaasahang makatutulong ang naturang pagsasanay sa pagpapalakas ng standardized at law-aligned peacekeeping practices sa mga barangay at sa mas pinaigting na tiwala ng publiko sa mga lokal na peacekeeping teams.