Nananatili ang lakas ng Tropical Depression “Ester” habang tinatahak ang Southern Taiwan, ayon sa state weather bureau.

Natukoy ang sentro ng bagyo sa layong 230 kilometro hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes.

Taglay nito ang pinakamalakas na hangin na umaabot sa 45 km/h malapit sa sentro at bugso ng hangin na hanggang 55 km/h, habang kumikilos ito pa-Northeast sa bilis na 15 km/h.

Nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 sa Batanes.

Ayon sa state weather bureau, ang malalakas na hangin mula sa bagyo ay umaabot hanggang 280 kilometro mula sa sentro. Inaasahan ang minimal hanggang minor na epekto ng malakas na hangin sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1.

Bukod sa bagyo, pinalalakas din ng Southwest Monsoon ang mga pag-ulan at bugso ng hangin sa iba’t ibang bahagi ng Luzon.

Ngayong araw, inaasahang makakaranas ng malalakas na hangin ang Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Cagayan Valley, Aurora, Zambales, Tarlac, Bataan, Pampanga, Metro Manila, CALABARZON, Occidental Mindoro, at Oriental Mindoro. Sa Hunyo 6, apektado ang Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Quirino, Nueva Vizcaya, Aurora, Isabela, Zambales, Bataan, Metro Manila, CALABARZON, at Occidental Mindoro. Sa Hunyo 7 naman, inaasahang mararanasan ng Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Region, Abra, Apayao, at Zambales ang malalakas na hangin.

Nagbabala rin ang state weather bureau sa mga mangingisda at maliliit na sasakyang pandagat na huwag munang pumalaot dahil sa inaasahang maalon na karagatan.

Ang taas ng alon ay maaaring umabot sa 4.0 metro sa kanlurang bahagi ng Batanes, 3.5 metro sa kanlurang bahagi ng Babuyan Islands at hilagang bahagi ng Ilocos Norte, at 3.0 metro sa iba pang bahagi ng Batanes, Ilocos Norte, at Ilocos Sur.