Kinumpirma ng Office of Civil Defense (OCD) na umabot na sa 37 ang bilang ng mga nasawi matapos ang malakas na lindol na yumanig sa ilang bahagi ng Mindanao.

Batay sa pinakahuling datos hanggang alas-6 ng umaga nitong June 9, 2026, 33 sa mga nasawi ay mula sa Soccsksargen, kabilang ang 18 sa Sarangani, 12 sa General Santos City, at 3 sa South Cotabato, habang 4 pa ang mula sa Davao Region.

Ayon sa OCD, karamihan sa mga biktima ay natamaan ng bumagsak na mga debris habang patuloy ang rescue at retrieval operations sa mga pinakaapektadong lugar.

Naitala rin ang 456 na sugatan at apat na indibidwal na patuloy na pinaghahanap.

Tinatayang 17,689 pamilya o mahigit 77,000 indibidwal ang apektado ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Sarangani kahapon, June 8, kung saan nananatiling aktibo ang search and rescue operations sa General Santos City at Sarangani.

Idineklara na ang state of calamity sa General Santos City habang nagpapatuloy ang pagresponde ng mga awtoridad sa mga apektadong lugar.

Sa paunang assessment, naitala ang pinsala sa 9 tulay at 19 kalsada, na may tinatayang higit ₱900 milyon na halaga ng imprastraktura ang napinsala.

Umabot naman sa 1,889 kabahayan ang nasira, kabilang ang halos 1,500 na tuluyang gumuho.

Apektado rin ang operasyon ng General Santos International Airport matapos makapagtala ng pinsala, dahilan upang kanselahin ang ilang commercial flights. Pinapayagan lamang ang military, government, at humanitarian flights sa ngayon.

Maraming residente ang pansamantalang nananatili sa mga open area dahil sa patuloy na aftershocks at pangamba sa kanilang mga tahanan, habang pinag-aaralan ng pamahalaan ang pagtatayo ng temporary shelters at tent cities para sa mga nawalan ng tirahan.

Nagpadala na rin ng generators at fuel supplies sa mga ospital at kritikal na pasilidad na naapektuhan ng malawakang brownout, habang sinuspinde rin ang klase sa ilang lugar bilang pag-iingat.